EPS KOREA

Biyernes, Agosto 26, 2016

ABROAD

Marami ang nagnanais makapag-abroad. Sapagka’t ito ang pinakamadaling solusyon para sa hangad na mataas na kita. Anuman ang iyong dahilan, may nais lamang akong itanong; handa ka nga ba talagang mag-abroad?

Bilang bagito pa sa larangan ng pagiging OFW, sadyang dito ko napagtanto ang maraming bagay- bagay na akala ko noon ay sabi-sabi lamang.

Sabi nga ng karamihan, kung hindi ikaw mismo ang nakaranas, hindi mo sila maiintindihan o hindi mo lubusang mauunawaan ang mga pinagdaraaanan nila. Bilang OFW, at sa mga kapwa kong OFW, alam kong mayroon ka na ng mga katangian na sasabihin ko. Sapagka’t hindi ka makatatagal kung hindi na nahasa ang mga taglay mong katangian na aking babanggitin.

BAGO KA MAG-ABROAD,  isaisip muna sana ang mga ito. 

Huwag kang mag-aabroad kung hindi buo ang loob mo!
Huwag kang mag-aabroad, kung may pumilit lamang sa iyo!
Huwag kang mag-abroad kung, hindi mo kayang magsakripisyo,
Hindi lang basta sakripisyo, kundi walang katapusang pagsasakripisyo!

Huwag kang mag-abroad kung, hindi mo kayang magpasensya!
Dahil dito, milya milyang pisi ng pasensya dapat ang dala-dala mo!

Huwag kang mag-abroad kung hindi mo kayang magtiyaga! Dahil hindi kahit kailanman naging madali ang trabaho dito.

Huwag kang mag-abroad kung malulungkutin ka at hindi mo kayang gumawa ng paraan para maaaliw ka.

Huwag kang mag-aabroad kung matatakutin ka!
Dahil dito marami kang maririnig na hindi kanais-nais na kuwento,
At hindi lang basta kuwento kundi sadyang totoo ang mga iyon.
Ngunit kung ikaw ay mabilis na magpapaapekto, trabaho ang pinunta mo, hindi mga kuwento.

Huwag kang mag-abroad kung hindi mo kayang makisama!
Dahil iba’t ibang lahi ang makasasalamuha mo.

Huwag kang mag-abroad kung hindi ka matatag; dito maraming maaaring manira sa iyo at maaaring maraming darating na pagsubok.

Huwag kang mag-aabroad kung sadyang mahina ang kalusugan mo,
Dahil hindi lang bigat ng trabaho, kundi puyat, kulang sa pagkain, kawalan ng gamot, at pabago-bagong panahon ang kalaban mo dito.

Huwag kang mag-aabroad kung, mahina ang iyong paninindigan at prinsipyo sa buhay,
Dahil dito naglipana ang lahat ng tukso!

Higit sa lahat, huwag kang mag-aabroad kung, wala kang matibay na pananalig at kapit sa Diyos,
Dahil Siya lamang ang unang-una mong masasandigan at pinakamatibay na agimat mo dito sa ibang bansa.

※※※☞☞☞DALAYAP,MJ☜☜☜※※※

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento